Matagumpay na idinaos ang kauna-unahang General Assembly 2026 ng Association of PESO, Industry, and Academe (ASPIA), Inc., katuwang ang Federation of Laguna PESO Officers, Inc. (FLPOI) at ang Laguna Provincial Employment Office (PESO), sa Sta. Rosa Sports Complex sa Lungsod ng Santa Rosa, Laguna nitong Huwebes, ika-2 ng Hulyo.

Sa temang “Future Ready Laguna: Aligning Skills, Jobs, and Industry Demands,” ang malawakang pagtitipon ay nagsilbing multi-sectoral consultation at paghahanda para sa gaganaping Laguna Employment Summit 2026 sa Nobyembre na naglalayong pag-isahin ang mga Public Employment Service Offices (PESOs), mga lokal na pamahalaan, sektor ng edukasyon, at iba’t ibang industriya upang masolusyunan ang mga hamon sa sektor ng paggawa at employment.

Personal na dinaluhan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino ang programa kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng matatag na pakikipagtulungan ng gobyerno, akademya, at pribadong sektor upang makalikha ng mga dekalidad na trabaho.

Bukod dito, itinampok din ang serye ng “Couch Talk” kasama ang DOLE, DepEd, at CHED ukol sa pagtutugma ng kurikulum ng edukasyon sa aktwal na pangangailangan ng mga kumpanya upang ihanda ang mga manggagawa sa mga pagbabago sa labor market.

Inaasahan na ang mga rekomendasyon at kasunduang nabuo sa asembliya ay magsisilbing matibay na pundasyon para sa mas mainam na pagpaplano sa adyenda ng probinsya na maghatid ng masiglang ekonomiya at produktibong lakas-paggawa sa buong rehiyon.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *