CALAPAN CITY, Oriental Mindoro (PIA) — Limang lalawigan at isang pangkat ng mga isla sa rehiyon ng MIMAROPA ang kabilang sa 47 lugar sa bansa na posibleng makaranas ng tuyong kondisyon pagsapit ng Nobyembre 2026, ayon sa Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA).

Batay sa inilabas na climate outlook ng PAGASA, inaasahang makakaranas ng mababang antas ng pag-ulan ang mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at ang Kalayaan Island sa Palawan sa huling bahagi ng taon.

Ayon sa PAGASA, ang “dry condition” ay tumutukoy sa 21 hanggang 60 porsiyentong pagbaba ng dami ng ulan kumpara sa karaniwang nararanasan sa isang lugar sa loob ng dalawang magkasunod na buwan. Bagama’t hindi pa ito itinuturing na tagtuyot, maaari pa rin itong makaapekto sa suplay ng tubig, produksyon sa agrikultura, at iba pang sektor na sensitibo sa pagbabago ng klima kung hindi mapaghahandaan nang maaga.

Samantala, inaasahang makakaranas naman ng “dry spell” ang lalawigan ng Camarines Sur, na nangangahulugang mahigit 60 porsiyentong pagbaba ng pag-ulan sa loob ng dalawang magkasunod na buwan. Nilinaw naman ng PAGASA na wala pang anumang lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng matinding tagtuyot o drought.

Dahil dito, hinikayat ng PAGASA ang mga lokal na pamahalaan, magsasaka, at iba pang sektor na patuloy na subaybayan ang mga abiso sa panahon at magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mabawasan ang posibleng epekto ng kakulangan sa ulan, lalo na sa pamamahala ng yamang-tubig at agrikultura.

Patuloy na naglalabas ng mga climate outlook ang PAGASA upang matulungan ang mga komunidad na maging handa sa mga posibleng epekto ng pagbabago ng panahon at mapalakas ang kanilang kahandaan sa mga sakuna.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *