CALAPAN CITY, Oriental Mindoro (PIA) — Nagpanukala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro ng emergency financial assistance package para sa bayan ng Puerto Galera matapos itong magdeklara ng state of calamity dahil sa lumalalang kakulangan sa suplay ng tubig na nakaaapekto sa 10 barangay.
Sa ilalim ng Resolution No. 3, Series of 2026 na inendorso ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), nakatakdang maglaan ang lalawigan ng paunang ₱1 milyon para sa pagbili ng mga kagamitang kailangan sa distribusyon ng tubig, kabilang ang mga hose at gasolina para sa mga sasakyang naghahatid ng tubig.
Iminungkahi rin ng pamahalaang panlalawigan ang buwanang ayuda na ₱250,000 upang maipagpatuloy ang mga relief operation hanggang sa bumuti ang sitwasyon ng suplay ng tubig sa Puerto Galera. Ayon kay Governor Humerlito “Bonz” Dolor, layunin ng pondong ito na agarang matulungan ang mga apektadong komunidad at matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng malinis at ligtas na inuming tubig sa mga residente.
Naipasa na ang panukala sa Sangguniang Panlalawigan para sa pagtalakay at pag-apruba upang mapabilis ang pagpapalabas ng kinakailangang tulong. Nauna nang isinailalim ng Puerto Galera sa state of calamity ang buong bayan matapos ang matagal na tagtuyot at patuloy na epekto ng El Niño na nagdulot ng pagkagambala sa mga sistema ng suplay ng tubig at nakaapekto sa libu-libong residente sa 10 barangay.
Source: PIA MIMAROPA