CALAMBA CITY, Laguna (PIA) – Nagmistulang makulay at masiglang entablado ang kahabaan ng Rizal Street sa Calamba City noong Hunyo 19 sa isinagawang Grand Parade ng Calambagong Buhayani Festival, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-165 anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal.

Nakiisa sa parada ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at panlungsod, mga paaralan, pribadong establisimyento, mga organisasyong sibiko, at mga kawani ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa Land Float Competition at Street Dance Exhibition. Tampok sa mga pagtatanghal ang makukulay na kasuotan, masisiglang sayaw, at mga land float na nagpapakita ng buhay, mga adhikain, at legasiya ng pambansang bayani, gayundin ang mayamang kultura at kasaysayan ng Calamba bilang kanyang sinilangang bayan.

Layunin ng Calambagong Buhayani Festival na patuloy na buhayin ang diwa ng kabayanihan ni Dr. Jose Rizal at kilalanin ang mga indibidwal na nagsisilbing makabagong bayani sa kasalukuyang panahon sa pamamagitan ng kanilang mga ambag sa pag-unlad ng komunidad at bansa.
Source: PIA LAGUNA