SANTA CRUZ, Laguna — Makulay na binuksan ngayong Lunes, Hunyo 1, ang pagdiriwang ng Kesong Puti Festival sa bayan ng Santa Cruz sa pamamagitan ng parada ng mga kalabaw, kariton, at produktong agrikultural bilang pagkilala sa mayabong na industriya ng kesong puti at sa mahalagang ambag ng mga magsasaka sa lokal na ekonomiya.

Nakilahok sa parada ang iba’t ibang barangay at farmers’ association na nagpakitang-gilas sa kanilang malikhaing dekorasyon ng mga kalabaw at kariton gamit ang sari-saring ani tulad ng gulay, prutas, bigas, at iba pang produktong agrikultural.
Ayon sa pamahalaang bayan, mahalagang bigyang-pansin at kilalanin ang mga kalabaw dahil sila ang pangunahing pinagmumulan ng gatas na ginagamit sa paggawa ng kesong puti—isa sa ipinagmamalaking produkto ng Santa Cruz.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na isinagawa ang parada ng mga kalabaw at aning produkto bilang bahagi ng pagdiriwang ng festival.

Para sa mga magsasaka at gumagawa ng kesong puti, malaking tulong ang suporta ng lokal na pamahalaan upang higit pang mapalago ang kanilang kabuhayan at mapanatili ang tradisyon ng pagsasaka at paggawa ng kesong puti sa susunod na henerasyon.
Inaasahang magpapatuloy ang iba’t ibang aktibidad sa mga susunod na araw bilang bahagi ng selebrasyon ng Kesong Puti Festival sa bayan.
Source: PIA CALABARZON