CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Naitala sa Calabarzon ang pinaka-mababang total fertility rate sa bansa, ayon sa resulta ng 2025 National Demographic and Health Survey (NDHS) na inilatag ng Philippine Statistics Authority Region IV-A sa ginanap na Regional Dissemination Forum noong Mayo 14.

Batay sa ulat ng PSA, bumaba sa 1.3 anak kada babae ang fertility rate sa rehiyon noong 2025 mula sa 1.8 noong 2022, na nagpapakita ng patuloy na pagbaba ng bilang ng panganganak sa Calabarzon sa nakalipas na tatlong taon.

Kasabay nito, bumaba rin ang insidente ng teenage pregnancy sa rehiyon mula 4.9 porsyento noong 2022 tungo sa 4.5 porsyento noong 2025.

Ayon kay Charito Armonia, mahalaga ang isinagawang dissemination forum upang maibahagi sa iba’t ibang sektor ang mahahalagang resulta ng survey na maaaring magsilbing gabay sa pagbuo ng mga programa, polisiya, at interbensyon para sa kapakanan ng mamamayan.

Ipinaliwanag din ni Armonia na mahalagang magamit ng mga lokal na pamahalaan, ahensya ng gobyerno, at iba pang stakeholder ang datos mula sa NDHS upang makabuo ng mas epektibong mga hakbang kaugnay ng kalusugan, populasyon, at family development.

Ang 2025 NDHS ay ang ika-13 Demographic and Health Survey na isinagawa sa bansa simula noong 1968. Layunin nitong makalikom ng mahahalagang impormasyon hinggil sa populasyon, kalusugan, at nutrisyon ng mga Pilipino na magsisilbing batayan ng mga policymaker sa pagbuo ng mga programa at polisiya ng pamahalaan.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *