May kabuuang 9,553 tricycle driver at operator sa Calamba City, Laguna ang nakatanggap ng tig-20 kilong libreng bigas mula sa pambansang pamahalaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas Bawat Bayan Makikinabang Rice Program noong Nobyembre 20 at 21, 2026.

Nagmula ang ipinamahaging bigas sa ₱87-milyong Local Government Support Fund–Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU) na inilaan ng administrasyong Marcos para sa mga kabilang sa vulnerable sector at mga manggagawang walang regular na kita. Nagpasalamat naman si Calamba City Mayor Roseller Rizal sa tulong ng pamahalaan na makatutulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo at kanilang pamilya, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Bukod sa libreng bigas, nakatanggap din ang mga tricycle driver at operator ng tig-₱3,000 pinansyal na ayuda sa ilalim ng Tulong Gulong Program ng lokal na pamahalaan na isinasagawa dalawang beses kada taon. Kasunod nito, ipagpapatuloy ang pamamahagi ng tulong mula sa LGSF sa mga magsasaka at mangingisda sa lungsod, matapos makinabang ang iba pang sektor tulad ng mga persons with disabilities (PWD), solo parent, displaced overseas Filipino workers (OFWs), delivery at transport network vehicle service (TNVS) riders, at mga manggagawa sa impormal na sektor.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *