Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) CALABARZON sa publiko laban sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang opisyal ng ahensya upang manghingi ng pera o donasyon.
Ayon sa ulat, may mga nagpapakilalang OIC–Regional Executive Director na si Engr. Redelliza A. Gruezo ng DA IV–A at nagpapadala ng mga liham at iba pang komunikasyon na humihiling ng tulong pinansyal. Sa ilang kaso, hinihikayat pa umano ang mga biktima na magdeposito sa partikular na mga bank account.
Mariing nilinaw ng DA CALABARZON na ang ganitong mga gawain ay walang pahintulot ng kanilang tanggapan. Wala rin umanong kaugnayan ang mga nabanggit na indibidwal at bank account sa ahensya. Dagdag pa rito, hindi nagbibigay ang DA ng awtorisasyon sa sinumang tao o grupo na mangalap ng pondo o donasyon sa kanilang ngalan, lalo na kung ito ay dadaan sa pribadong bank account.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng ahensya ang publiko na huwag pansinin, tugunan, o makipagtransaksyon sa mga kahina-hinalang komunikasyon. Hinihikayat din ang lahat na agad iulat sa kinauukulan ang anumang insidente ng panlilinlang upang maiwasan ang paglaganap ng ganitong uri ng scam.
Patuloy ang panawagan ng DA CALABARZON sa publiko na maging mapagmatyag at magsagawa ng beripikasyon sa mga natatanggap na kahina-hinalang mensahe o liham.
Source: Batangas News