PUERTO PRINCESA CITY (PIA) — Nag-install ng photovoltaic power system o solar power ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Puerto Princesa sa kanilang mga operations center upang matiyak ang tuloy-tuloy at maaasahang pagbibigay ng mahahalagang serbisyong pampubliko sa ilalim ng disaster risk reduction and management (DRRM).

Ayon kay CDRRM Officer Earl H. Timbancaya, isinagawa ang paglalagay ng solar power bilang tugon sa patuloy na hamon dulot ng tumataas na presyo ng kuryente at hindi tiyak na suplay ng enerhiya.

“Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng alternatibo at maaasahang power supply, napapalakas ang kakayahan ng CDRRMO ng lungsod na magpatuloy sa pagbibigay ng serbisyo kahit sa gitna ng power disruptions o krisis sa enerhiya,” ani Timbancaya.

Ipinaliwanag niya na ang mga operations center ang nagsisilbing sentro ng paghahanda at pagtugon sa sakuna, kung saan isinasagawa ang mabilis na koordinasyon, epektibong komunikasyon, at ugnayan ng iba’t ibang ahensya upang matiyak ang maagap at wastong responde sa oras ng emerhensiya.

Dagdag pa niya, plano rin ng tanggapan na lagyan ng kaparehong solar system ang ilang enhanced satellite clinics upang masiguro ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, lalo na sa panahon ng sakuna.

“Sa ganitong paraan, nananatiling handa, resilient, at matibay ang ating mga pasilidad sa pagbibigay ng serbisyong pangkomunidad anumang oras,” dagdag niya.

Ang CDRRMO ay may pangunahing Operations Center na matatagpuan sa lumang city hall sa Barangay Sta. Monica, at apat na Forward Operations Centers sa mga mini city hall sa Barangay San Rafael, Macarascas, Napsan, at Luzviminda.

Source: PIA MIMAROPA-Palawan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *