Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP Clinic sa mga piling mall sa bansa bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa noong Mayo 1, na layong ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga manggagawa.

Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga manggagawa sa pagpapaunlad ng ekonomiya, binigyang-diin ng PhilHealth na ang kalusugan ng bawat empleyado ay pundasyon ng produktibong paggawa. Sa pamamagitan ng YAKAP Clinic, mas napapadali ang pag-access ng primary health care services sa mismong lugar ng trabaho o mga sentrong dinarayo ng publiko.

Naging sentro ng paglulunsad sa rehiyon ng Calabarzon ang WalterMart Santa Rosa, kung saan nakinabang ang mga manggagawa sa iba’t ibang serbisyong iniaalok ng programa. Kabilang dito ang pagpaparehistro sa eGovPH system, pagpili ng accredited YAKAP Clinic, at pagsasagawa ng kanilang unang konsultasyon o “first patient encounter.”

Ang PhilHealth YAKAP ay isang pangunahing hakbang sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act na nakatuon sa preventive care o pag-iwas sa sakit bago pa ito lumala. Sa ilalim ng programang ito, maaaring makatanggap ang mga miyembro ng libreng konsultasyon mula sa accredited doctors, libreng laboratory at diagnostic tests, libreng gamot na nagkakahalaga ng hanggang P20,000 kada taon, at cancer screening services.

Sinuportahan naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) IV-A at ng lokal na pamahalaan ng Santa Rosa, Laguna ang inisyatiba, at kinilala ang dedikasyon at sipag ng mga manggagawa sa rehiyon.

Hinihikayat ng PhilHealth ang lahat ng manggagawa na magparehistro sa pamamagitan ng eGovPH app upang mabilis na makonekta sa kanilang napiling YAKAP provider at patuloy na mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *