CALAMBA CITY, Laguna — Mahigit 20,000 housing units mula sa 50 developers ang iniaalok ng Pag-IBIG Fund sa pagbubukas ng Regional Housing Fair na ginaganap sa lungsod ng Calamba ngayong Abril 27 hanggang Abril 28.
Pinangunahan ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, ang programa na naglalayong mailapit sa mga miyembro ng Pag-IBIG ang abot-kaya at de-kalidad na pabahay.

Sa pakikipagtulungan sa mga partner developers, layon ng housing fair na mabigyan ng mas maraming opsyon ang mga manggagawang Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan na akma sa kanilang kakayahang pinansyal.
Bukod sa mga bagong housing projects, tampok din sa nasabing fair ang mahigit 3,000 acquired assets na iniaalok sa mas mababang halaga, na nagbibigay ng karagdagang oportunidad sa mga nais makabili ng bahay at lupa.

Isinusulong ang inisyatibong ito sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program, kung saan mas pinadadali ang proseso ng pagkuha ng pabahay sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan ng mga developer sa mga miyembro ng Pag-IBIG.
Patuloy namang hinihikayat ng Pag-IBIG Fund ang publiko, lalo na ang kanilang mga miyembro, na samantalahin ang pagkakataong ito upang makahanap ng angkop at abot-kayang tahanan para sa kanilang pamilya.
Souce: PIA CALABARZON