LEGAZPI CITY — Nagsasagawa na ng mga hakbang ang pamahalaan upang maprotektahan ang mga sektor na maaapektuhan ng inaasahang El Niño sa rehiyon ng Bicol.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, nakararanas na ng tagtuyot ang buong rehiyon matapos makapagtala ng hanggang 60% kakulangan sa ulan sa nakalipas na tatlong buwan.
Naglaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD-5) ng humigit-kumulang P244 milyon para sa relief operations, kabilang ang mahigit 292,000 family food packs at iba pang non-food items para sa mga pamilyang maaapektuhan.
Samantala, pinaghahandaan din ng Department of Agriculture (DA-5) ang posibleng epekto nito sa agrikultura sa pamamagitan ng pag-aadjust ng cropping strategies, paggamit ng mas kaunting tubig na pananim, at pagpapalawak ng irrigation systems.

Ayon sa PAGASA, may 70% posibilidad na mabuo ang El Niño sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan, na maaaring makaapekto sa suplay ng pagkain, tubig, at enerhiya.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa iba’t ibang ahensya upang maiwasan ang sunog sa kagubatan at iba pang lugar na karaniwang dulot ng matinding tagtuyot.
Nanawagan ang pamahalaan sa publiko na makiisa at maghanda sa posibleng epekto ng El Niño upang mapanatili ang seguridad sa pagkain at kabuhayan sa rehiyon.
Source: PIA BICOL