Itinutulak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng asin upang mabawasan ang pag-asa ng bansa sa inaangkat na suplay.
Sa ginanap na unang Asin Harvest Festival sa bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro, binigyang-diin ng BFAR ang kahalagahan ng pagpapalawak ng produksyon at merkado para sa mga lokal na mag-aasin.
Ayon kay BFAR MIMAROPA Regional Director Roberto Abrera, layunin ng inisyatiba na gawing pangunahing pinagmumulan ng asin ang Occidental Mindoro, habang binibigyan ng mas maraming oportunidad ang mga lokal na prodyuser.
Suportado naman ng mga mag-aasin ang programa at umaasang magpapatuloy ang tulong ng pamahalaan, kabilang ang mga pasilidad at programang magpapahusay sa kanilang produksyon at kita.
Ipinahayag din ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano ang buong suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapalakas ng industriya ng asin sa lalawigan.
Source: PIA MIMAROPA