Opisyal nang binuksan ang Natural Textile Fiber Innovation Hub ng Department of Science and Technology-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) ngayong Huwebes, Abril 16 sa Laguna University, Santa Cruz, Laguna.
Pinangunahan ang programa ni DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr. kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng inobasyon sa pagpapalakas ng lokal na industriya ng tela, lalo na sa paggamit ng likas at makakalikasang hibla.

Kasama rin ni Sec. Solidum sina DOST-PTRI Director Dr. Julius Leaño Jr., DOST Undersecretary Engr. Sancho Mabborang, DOST Calabarzon Regional Director Emelita Bagsit at DOST Laguna Provincial Director Agnes Morales.
Layunin ng pasilidad na magsilbing sentro ng pananaliksik, pagsasanay, at paglinang ng mga teknolohiya para sa natural textile fibers na makatutulong sa paglikha ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga lokal na komunidad, kabilang na ang mga magsasaka at micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at pagsulong ng sustainable development sa lalawigan at sa buong rehiyon.

Samantala, dumalo rin sa programa sina Laguna 4th District Representative Benjamin Agarao Jr. at Laguna University President Dr. Charlemagne Laviña na kapwa nagpahayag ng kanilang buong suporta sa inisyatiba.
Binigyang-diin ni Cong. Agarao na ang pagtatatag ng innovation hub ay magpapalakas sa ugnayan ng akademya, pamahalaan, at industriya lalo na sa ika-apat na distrito ng Laguna upang mapabilis ang pananaliksik at komersyalisasyon ng mga produktong gawa sa natural fibers. | via Anna Mole, PIA Calabarzon
Source: PIA CALABARZON