Patuloy ang pamahalaan sa pamamahagi ng P20/kilo na bigas sa lalawigan upang makatulong sa mga pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng bilihin dulot ng pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa pangunguna ng Food Terminal Incorporated (FTI), ipinamamahagi ang subsidized rice sa NFA Nawaco Compound sa San Jose sa pamamagitan ng itinakdang iskedyul kada sektor upang masiguro ang maayos at target na distribusyon.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga magsasaka, mangingisda, PWDs, solo parents, senior citizens, 4Ps members, drivers, at mga guro. Layunin ng programa na makapagserbisyo sa 200 hanggang 250 katao araw-araw.
Ayon sa pamahalaan, bahagi ito ng mas malawak na hakbang upang maibsan ang epekto ng inflation, lalo na sa presyo ng pagkain, at matulungan ang mga pamilyang higit na nangangailangan.
Source: PIA MIMAROPA