TANAUAN CITY — Kasalukuyan nang isinasagawa ang pagpapalawak ng Tanauan City Hall bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng mga pasilidad ng lokal na pamahalaan.
Layunin ng proyektong ito na mapaluwag ang mga opisina at higit pang mapahusay ang serbisyong naibibigay sa publiko sa pamamagitan ng mas maayos, komportable, at episyenteng espasyo para sa mga kliyente at kawani ng pamahalaan.
Natapos na ang Right Wing Expansion, at inaasahan namang agad na sisimulan ang konstruksyon ng Left Wing upang tuluyang makumpleto ang kabuuang pagpapalawak ng gusali. Sa oras na matapos, inaasahang mas mapapabilis ang daloy ng transaksyon at mas mapapabuti ang karanasan ng mga mamamayan sa pagkuha ng serbisyo sa City Hall.
Kapansin-pansin din ang mga solar panel na nakakabit sa rooftop ng gusali, na sumisimbolo sa pagsusumikap ng lungsod na isulong ang paggamit ng renewable energy. Bahagi ito ng layunin ng Tanauan na maging mas episyente, matipid sa enerhiya, at makakalikasan ang operasyon ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, muling pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Tanauan ang kanilang pangako na maghatid ng dekalidad, mabilis, at makabagong serbisyo para sa kapakanan ng bawat mamamayan.
Source: Batangas News