Itinaas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) CALABARZON ang alert status ng kanilang Emergency Operations Center (EOC) sa “Blue Alert” mula Marso 27 hanggang Abril 6, 2026 bilang bahagi ng paghahanda sa paggunita ng Semana Santa. Layunin ng hakbang na ito ang mas pinaigting na pagbabantay at koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero at deboto sa iba’t ibang aktibidad ng Holy Week.

Ayon sa konseho, isinasaalang-alang din sa pagpapataas ng alert status ang banta sa kalusugan dulot ng tumataas na heat index ngayong summer season. Ang Blue Alert ay alinsunod sa RDRRMC Memorandum No. 53 na inilabas noong Marso 16, na nag-uutos ng heightened preparedness sa buong rehiyon. Sa ilalim nito, nakaantabay ang lahat ng miyembro ng konseho upang matiyak ang mabilis at epektibong pagtugon sa anumang insidente o emerhensiya.

Inaasahan ang pagdami ng mga pasahero sa mga terminal, pantalan, at pangunahing lansangan sa mga darating na araw, kaya’t pinaigting ang monitoring operations, traffic management, at pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan. Layunin nitong maiwasan ang aksidente at masiguro ang maayos at ligtas na biyahe ng bawat mamamayan sa panahon ng Semana Santa.

Kaugnay nito, pinaaalalahanan ang lahat ng lokal na pamahalaan at response agencies na tiyakin ang kahandaan ng kanilang kagamitan, pasilidad, at tauhan. Kabilang sa mga dapat ipatupad ang 24/7 na operasyon ng kanilang Emergency Operations Centers, regular na pagsusumite ng situational reports, at tuloy-tuloy na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang mapanatili ang maagap at epektibong pagtugon sa anumang sitwasyon.

Para sa agarang koordinasyon at pag-uulat ng insidente, hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa mga hotline ng RDRRMC CALABARZON EOC, kasama ang mga Provincial DRRM EOCs at Lucena CDRRM EOC. Pinapayuhan din ang lahat na manatiling alerto, maging handa, at makiisa sa paggunita ng isang ligtas at payapang Semana Santa.

Source: Civil Defense CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *