Umabot sa 365 residente, karamihan ay mula sa mga katutubong komunidad, ang nabigyan ng serbisyong pangkalusugan sa isinagawang outreach ng PhilHealth Oriental Mindoro sa Barangay Baclayan noong Marso 12 hanggang 13. Layunin ng aktibidad na mailapit ang serbisyong medikal sa mga pamilyang nahihirapang makapunta sa malalayong health facilities.
Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ang PhilHealth registration, membership renewal, updating ng records, at pagpaparehistro sa YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program. Nagkaroon din ng libreng konsultasyon, laboratory services, at pamamahagi ng gamot para sa mga residente.

Ayon kay Chief Social Insurance Officer Ma. Neresa Carreon-Reganit, bahagi ang programa ng patuloy na pagsisikap ng PhilHealth na matiyak ang inclusive healthcare para sa lahat, lalo na sa mga nasa malalayong lugar. Patuloy pa aniya ang ganitong outreach sa iba pang bayan sa Oriental Mindoro upang mas marami pang komunidad ang maabot ng serbisyong pangkalusugan.
Source: PIA MIMAROPA