Naging matagumpay ang isinagawang Color Fun Run ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bicol Region ngayong umaga ng Marso 21, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Sa ikatlong taon ng aktibidad, patuloy na ipinakita ng BJMP Bicol ang kanilang dedikasyon sa pagbibigay-pugay sa mga kababaihan at sa pagpapahalaga sa mga produktong gawa ng mga persons deprived of liberty (PDLs). Layunin ng naturang fun run na mapalakas ang ugnayan at pagkakaisa ng mga Bicolano sa pagsusulong ng pagkilala sa lakas, dangal, at kakayahan ng mga kababaihan o “Juana.”

Bukod dito, itinataguyod din ng aktibidad ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng pagtakbo at paglalakad, na hinihikayat ang publiko na maging aktibo sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.
Nakiisa sa nasabing aktibidad ang mga kawani ng Philippine Information Agency Bicol, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga paaralan, gayundin ang mga running advocates at health enthusiasts mula sa iba’t ibang sektor.

Patunay ang aktibidad na ito ng patuloy na suporta ng pamahalaan at ng komunidad sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng kababaihan, gayundin sa pagbibigay ng oportunidad at pagkilala sa kakayahan ng mga PDLs sa lipunan.
Source: PIA Bicol