Nagtagumpay ang Department of Energy (DOE), kasama ang mga pangunahing stakeholder sa sektor ng kuryente, sa pag-upgrade ng Calangatan Switching Station sa Oriental Mindoro. Sa pamamagitan ng pag-install ng tatlong Current Transformer (CT), posible na ngayon ang buong dispatch ng humigit-kumulang 16 MW wind power mula sa pinakamalaking wind energy facility sa isla.
Isinagawa ang proyekto sa pakikipagtulungan ng TransCo, NPC/NAPOCOR, PHESI, Ormin Power Inc., at ORMECO. Naresolba nito ang dating limitasyon sa sistema na nagdudulot ng hindi ganap na paggamit ng wind energy lalo na kapag malakas ang hangin.
Dahil sa upgrade, inaasahang mas magiging maaasahan ang suplay ng kuryente, mababawasan ang paggamit ng mas mahal na conventional energy, at mas mapapakinabangan ang renewable energy sa Mindoro.
Ayon kay Energy Secretary Sharon S. Garin, mahalaga ang pagpapalakas ng grid infrastructure upang masuportahan ang patuloy na paglipat ng bansa sa malinis at napapanatiling enerhiya.
Source: PIA MIMAROPA