SANTA CRUZ, Laguna – Pormal nang sinimulan ang isang linggong selebrasyon ng Ani ng Laguna (ANILAG) Festival 2026 nitong Lunes, Marso 16, sa lalawigang ito.

Binuksan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang banal na misa na pinangunahan ni Most Rev. Marcelino Antonio Maralit ng Diocese of San Pablo City, na dinaluhan nina Gobernador Sol Aragones, Bise Gobernador JM Carait, mga pinuno ng departamento, at mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Gov. Aragones, mas pinalaki, mas organisado, at mas kapana-panabik ang pagdiriwang ngayong taon sa ilalim ng temang “Anilag Level Up 2026,” na inaasahang magbibigay ng mas masayang karanasan para sa mga Lagunense at mga bisita.

Binigyang-diin din ng gobernador na mahalaga ang ANILAG Festival bilang plataporma sa pagpapalakas ng turismo, pagsuporta sa maliliit na negosyo, at pagpapakita ng makulay na kultura at tradisyon ng Laguna.

Samantala, nakaalerto ang kapulisan upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa buong selebrasyon. Pinapayuhan din ang mga motorista na maghanda sa posibleng pagbigat ng daloy ng trapiko at gumamit ng mga alternatibong ruta.

Magtatapos ang ANILAG Festival 2026 sa Marso 22.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *