Ligtas nang nakabalik sa kanyang pamilya si Noel Isaac, residente ng Barangay Dalahican sa lungsod na ito, matapos tumaob ang kanyang bangka dahil sa masamang panahon at mapadpad sa pampang ng Navotas, Oriental Mindoro noong Marso 14.

Ayon sa ulat, agad na tinulungan si Isaac ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Oriental Mindoro na nakipag-ugnayan sa PCG Lucena at sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang kanyang ligtas na pagbabalik sa Lucena City.

Sa utos ni Mayor Mark Alcala, sinundo si Isaac sa Port of Batangas ng Lucena Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) sa pangunguna ni LDRRMO Head Janet Gendrano. Kasama rin sa pagsundo ang pamilya ni Isaac at ang kapitan ng Barangay Dalahican.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng Barangay Dalahican sa Philippine Coast Guard at sa lokal na pamahalaan ng Lucena sa kanilang mabilis na aksyon na nagbigay-daan sa ligtas na pag-uwi ng kanilang kabarangay.

Source: Batangas News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *