Ang bayan ng Mogpog ay opisyal nang idineklara bilang “drug-cleared” matapos matanggap ang Balangay Seal of Excellence mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) MIMAROPA sa isang seremonya na ginanap noong Marso 3 sa Mogpog Municipal Covered Court.
Pinangunahan ni Regional Director Lirio Ilao-Oximar ng PDEA MIMAROPA ang paggawad ng plake kay Mayor Senen Livelo Jr., na nagmarka sa Mogpog bilang unang bayan sa Marinduque na tumanggap ng naturang pagkilala.
“Binabati ko ang lokal na pamahalaan ng Mogpog sa pagkamit ng Balangay Seal of Excellence bilang simbolo ng pagkakaisa, pagbabantay, at matatag na pagtutok sa laban kontra iligal na droga,” sabi ni Director Oximar. Binigyang-diin niya na ang kampanya laban sa droga ay hindi lamang tungkulin ng PDEA at pulisya, kundi nangangailangan din ng aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa pagrereport ng mga iligal na gawain upang maprotektahan ang kapakanan ng komunidad.
“Mahalaga ang tagumpay ng bayan dahil ipinapakita nito ang pagkakaisa ng lokal na pamahalaan, residente, at mga stakeholder sa pagpuksa ng krimen at iligal na aktibidad. Sa pamamagitan ng kolektibong pagsisikap na ito, nakamit nila ang pagkilala at naging kauna-unahang bayan sa lalawigan na itinuturing na drug-free,” dagdag pa ni Oximar.
Ang Mogpog ang ika-apat na bayan sa rehiyon ng MIMAROPA na tumanggap ng Balangay Seal of Excellence, kasunod ng mga bayan ng Alcantara, Ferrol, at San Agustin sa lalawigan ng Romblon.
Ang Balangay Seal of Excellence ay iginagawad sa mga lokal na pamahalaan (LGU) at iba pang nagpapatupad ng Barangay Drug Clearing Program alinsunod sa Regulation No. 4, serye ng 2021 ng Dangerous Drugs Board. Ang prestihiyosong parangal na ito ay sumisimbolo sa patuloy na pangako ng isang bayan sa epektibong pamamahala at kakayahang suportahan ang pambansang kampanya laban sa iligal na droga.