Ligtas at nasa maayos na kalagayan ang 14 na pasahero ng MBCA Lord John matapos silang masagip ng Philippine Coast Guard (PCG) nang lumubog ang bangka sa katubigang sakop ng Barangay San Juan I noong Pebrero 22.

Batay sa ulat ng Coast Guard Substation Ternate, nagmula ang bangka sa bayan ng Naic para sa isang boat-hopping activity nang ito ay lumubog dulot ng malalakas na alon. Agad na nagsagawa ng Search and Rescue (SAR) operation ang mga tauhan ng PCG, na nagresulta sa mabilis at ligtas na pagkakasagip sa lahat ng pasahero.
Bagamat walang naiulat na nasugatan sa insidente, kaagad na nagbigay ng paunang medikal na pagsusuri at assistance ang Ternate Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang matiyak ang kaligtasan at mabuting kalagayan ng mga nasagip.

Patuloy na pinaaalalahanan ng PCG ang mga operator ng bangka at mga pasahero na pairalin ang ibayong pag-iingat, lalo na tuwing may masamang kondisyon ng panahon, at tiyaking sumusunod sa mga itinakdang safety protocols upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Source: PIA CALABARZON