Ipinatupad ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang Localized Peace Engagements (LPE) program upang tulungan ang mga former rebels (FRs) sa Rehiyong Bicol na makapagbagong-buhay at makabalik sa lipunan.
Sa isang media briefing, sinabi ni Gng Ma. Celin Mendoza, senior peace program officer ng OPAPRU, na layunin ng programa na bigyang-kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng kapayapaan at mabuting pamamahala. Ang LPE ay may apat na pangunahing bahagi: seguridad para sa mga FR at kanilang pamilya, oportunidad na pangkabuhayan, confidence-building measures, at healing and reconciliation.
Tatlong taon ang implementasyon ng programa sa Bicol, na sasailalim sa pagsusuri upang matiyak na naaayon pa rin ito sa pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Ayon sa OPAPRU, 59 na lalawigan ang prayoridad sa pagpapatupad ng LPE. Sa Bicol, ang Camarines Sur, Albay, Catanduanes, at Camarines Norte ay nagrepaso na ng kanilang mga plano, habang nagsimula na ang Sorsogon at Masbate sa implementasyon.
Samantala, iniulat ni Mr. Philip Listanico ng Local Amnesty Board–Albay na 620 FR sa Bicol ang nag-apply para sa amnestiya. Ang programa ay tatakbo hanggang Marso 13, 2026, at hinihikayat ang iba pang kwalipikadong indibidwal na mag-avail nito.
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1268933