Ligtas na na-rescue ng Philippine Coast Guard Sub-Station (CGSS) Puerto Galera ang tatlong sakay ng bangkang FBCA Maxima matapos itong makaranas ng engine trouble habang naglalayag sa pagitan ng Tingloy, Batangas at Puerto Galera noong Abril 11, 2026.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang CGSS Puerto Galera at CGSS Tingloy sa pamamagitan ng pagpapadala ng Search and Rescue (SAR) teams matapos makatanggap ng distress call mula sa mga kamag-anak ng mga sakay.
Bandang alas-10:05 ng umaga nang matagpuan ang nasabing bangka sa layong tinatayang 2.44 nautical miles hilagang-kanluran ng Balahibong Manok Island sa Tingloy. Agad na siniguro ng mga rumespondeng tauhan ang kaligtasan ng tatlong sakay na pawang mga residente ng Barangay Palangan, Puerto Galera, at iniulat na nasa maayos na kalagayan.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang nagkaproblema ang makina ng bangka dahil sa pagpasok ng langis sa air cleaner habang nasa biyahe mula Tingloy patungong Puerto Galera.
Kaagad namang hinila (tow) ang bangka at ligtas na dinala sa Muelle, Barangay Poblacion, Puerto Galera.
Patuloy namang pinaalalahanan ng Philippine Coast Guard ang mga marino at mangingisda na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyang pandagat bago bumiyahe at agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad sakaling magkaroon ng emerhensiya sa karagatan.
Source: Batangas News