Nagkaloob ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng mga patient transport vehicle (PTV) sa limang lokal na pamahalaan at sa Lung Center of the Philippines upang mapalakas ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan at pagtugon sa mga emerhensiya sa buong bansa.

Kabilang sa mga tumanggap ng bagong PTV ang Lungsod ng Imus sa Cavite, lalawigan ng Bataan, bayan ng Libertad sa Antique, at mga bayan ng Ibaan at San Jose sa Batangas, gayundin ang Lung Center of the Philippines.

Ayon kay PAGCOR Chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco, bahagi ang donasyon ng corporate social responsibility programs ng ahensiya na naglalayong mapabuti ang akses sa mahahalagang serbisyong medikal, lalo na sa mga komunidad na may limitadong mapagkukunan.

Sinabi ni Tengco na maaaring magsilbing mahalagang lifeline ang mga sasakyan, partikular sa oras ng medikal na emerhensiya kung kailan kritikal ang bawat minuto. Dagdag pa niya, layunin ng programa na makatulong sa pagbuo ng mas malusog at matatag na mga komunidad.

Samantala, sinabi ni Lung Center chief medical social worker Donnabelle Gonzaga-Arcillo na makatutulong ang donasyong PTV upang matugunan ang kakulangan sa transportasyon ng institusyon sa kanilang pang-araw-araw na operasyon, kabilang ang paghahatid at pagsundo sa mga pasyente, home visitations, at mga aktibidad sa komunidad.

Ang bawat PTV ay may pangunahing kagamitang medikal at pangkaligtasan tulad ng stretcher, tangke ng oxygen, wheelchair, first aid kit, at navigation system upang matiyak ang ligtas at episyenteng transportasyon ng mga pasyente.

Noong 2025, umabot sa 162 patient transport vehicle ang ipinagkaloob ng PAGCOR sa mga lokal na pamahalaan, katuwang na ahensiya, at iba pang institusyon sa buong bansa, kabilang ang 70 yunit na ibinigay sa Philippine Charity Sweepstakes Office.

Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1268501

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *