Hiniling ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Palawan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isama ang lalawigan bilang benepisyaryo ng pinansyal na tulong mula sa kikitain ng Malampaya East-1 (MAE-1) natural gas project.

Ayon kay SP Member Ryan Maminta, ang kahilingan na idinaan sa Department of Energy (DOE) ay naglalayong magamit ang bahagi ng kita ng proyekto para sa mga programang pangkaunlaran sa Palawan.

Kamakailan ay inanunsyo ni Pangulong Marcos ang pagkakatuklas ng MAE-1 reservoir na tinatayang may 98 bilyong cubic feet ng natural gas at may kakayahang magbigay ng kuryente sa milyun-milyong kabahayan. Ipinakita rin ng initial testing na umaabot sa 60 milyong cubic feet ng gas kada araw ang daloy nito.

Bagama’t hindi sakop ng teritoryal na hurisdiksyon ng Palawan ang naturang reservoir, binanggit ni Maminta na pinahihintulutan ng desisyon ng Korte Suprema ang Kongreso at Office of the President na maglaan ng pinansyal na tulong sa lalawigan.

Ang posibleng tulong pinansyal ay ilalaan sa mga programang may kaugnayan sa kaunlaran, enerhiya, kabuhayan, pangangalaga sa kalikasan, at disaster management.

Source: (PIA MIMAROPA–Palawan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *