Isinagawa ngayong araw, Hunyo 22, sa New Tayabas City Hall ang unang Organizational Meeting ng Quezon Communicators’ Network (QUECOMNET) para sa taong 2026, na dinaluhan ng mga Information Officer mula sa mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa lalawigan ng Quezon.
Layunin ng pagpupulong na higit pang mapalakas ang ugnayan at koordinasyon ng mga government communicator upang maging mas epektibo ang paghahatid ng tama, napapanahon, at makabuluhang impormasyon sa publiko.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Philippine Information Agency (PIA) CALABARZON Regional Director Ma. Cristina Arzadon ang patuloy na suporta ng ahensya sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga Government Communicator. Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng mahusay at responsableng komunikasyon upang mapanatili ang tiwala ng publiko at mapalawak ang abot ng mga impormasyon at programa ng pamahalaan.
Bahagi rin ng programa ang mga talakayan hinggil sa Social Media Management, Caption Writing, at Social Media and Governance na pinangunahan ni Patricia Bermudez, Information Officer at Officer-in-Charge ng PIA Cavite.

Kasunod nito, isinagawa ang paghalal ng mga bagong opisyal ng QUECOMNET. Nahalal bilang bagong pangulo ng samahan si Reden de Villa ng LGU Tagkawayan, na hahalili kay Willie Tomines ng LGU Tayabas bilang pinuno ng network.
Sa pamamagitan ng mas pinagtibay na samahan ng mga communicator sa lalawigan, inaasahang higit pang mapaiigting ang koordinasyon at pakikipagtulungan sa paghahatid ng napapanahon, tumpak, at makabuluhang impormasyon para sa kapakinabangan ng mga mamamayan ng Quezon.
Source: PIA CALABARZON