BURDEOS, Quezon – Magkakaloob ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga grant sa labintatlong munisipalidad sa lalawigan ng Quezon para sa pagpapatupad ng limang taong climate resilience plan na naglalayong tugunan ang mga epekto ng pagbabago ng klima.

Sa ilalim ng Panahon ng Pagkilos: Philippine Community Resilience Project (PCRP), isang bagong modality ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS), layunin ng programa na tulungan ang mga komunidad na mabawasan ang pagkalugi sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, mapabuti ang kabuhayan, at mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagharap sa mga hamon ng climate change.

Ayon sa DSWD CALABARZON, para sa taong 2026 ay sasaklawin ng PCRP ang mga bayan ng Burdeos, San Andres, Panukulan, Patnanungan, Polilio, Atimonan, Infanta, at San Francisco. Bawat bayan ay makikinabang sa mga community-driven subprojects na nagkakahalaga ng hindi bababa sa ₱50 milyon.

Gagamitin ang mga pondong ito para sa pagpapatupad ng mahahalagang proyektong pang-imprastraktura at suporta sa kabuhayan na may layuning palakasin ang katatagan ng mga komunidad laban sa epekto ng climate change. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga kalsada, flood control at irrigation systems, post-harvest facilities, evacuation centers, at mga proyekto para sa proteksiyon ng mga baybayin.

Binigyang-diin ng DSWD na aktibong makikilahok ang mga miyembro ng komunidad sa bawat yugto ng proyekto—mula sa pagpaplano, pagpapatupad, hanggang sa operasyon at pagpapanatili ng mga proyekto.

Inaasahan din ng DSWD na mapapalawak pa ang implementasyon ng PCRP sa pamamagitan ng pagsasama ng karagdagang limang kwalipikadong munisipalidad sa Quezon pagsapit ng taong 2027.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *