Patuloy na nananatiling mataas ang antas ng aktibidad ng Bulkang Mayon, ayon sa pinakahuling buod ng ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST).
Batay sa 24-oras na pagmamanman mula alas-12:00 ng hatinggabi kahapon hanggang alas-12:00 ng hatinggabi ngayong Enero 29, 2026, naitala ang kabuuang 119 volcanic earthquakes, 344 rockfall events, at 51 pyroclastic density currents o kilala bilang “uson.”
Naitala rin ang mataas na sulfur dioxide (SO₂) emission na umabot sa humigit-kumulang 1,275 tonelada kada araw, na indikasyon ng patuloy na pag-angat ng magma sa ilalim ng bulkan.
Patuloy ding namamasdan ang banaag sa bunganga ng bulkan, gayundin ang pag-apaw at pagdaloy ng tunaw na lava mula sa lava dome pababa sa mga daluyan o gullies ng bulkan.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa paligid ng Bulkang Mayon, na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga lokal na pamahalaan at ng PHIVOLCS upang maiwasan ang anumang panganib dulot ng patuloy na aktibidad ng bulkan.
Source: (20+) MAGING ALERTO SA BANTA NG BULKANG MAYON Batay… – PIA Bicol Region | Facebook