Mabilis na lumalakas ang Bagyong Uwan (Fung-Wong) habang papalapit sa Luzon at inaasahang tatama sa Aurora bilang super typhoon sa gabi ng Linggo o madaling-araw ng Lunes, ayon sa PAGASA.
Huling namataan ang sentro nito sa 195 km silangan ng Virac, Catanduanes, taglay ang 175 kph na lakas ng hangin at bugso hanggang 215 kph, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 35 kph.
Sinasabing umaabot na sa 800 km mula sa sentro ang malakas na hangin ni Uwan, na maaaring magdulot ng matitinding ulan, pagbaha, at mapanirang hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.
Nakataas ang Signal No. 4 sa ilang bahagi ng Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, at silangang Albay.
Signal No. 3 naman sa Aurora, Metro Manila, Quezon, Bataan, Zambales, Pangasinan, at ilang bahagi ng Hilagang Luzon at Bicol.
Nagbabala rin ang PAGASA sa storm surge na higit 3 metro at alon hanggang 14 metro sa silangang Luzon. Delikado ang lahat ng uri ng paglalayag.
Hinimok ang mga residente sa high-risk areas na maagang lumikas dahil inaasahang magdadala si Uwan ng malalakas na ulan at hangin hanggang Lunes.
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1262871