Bilang pagkilala sa kanilang tagumpay, magbibigay ng cash incentives ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga atletang Pilipinong nagwagi ng medalya sa katatapos na Asian Youth Games sa Bahrain.
Ayon kay PSC Chairman Patrick John Gregorio sa isang press conference ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Pasay City, bawat gold medalist ay tatanggap ng ₱500,000, ang silver medalist ng ₱300,000, at ang bronze medalist naman ng ₱100,000.
Bukod dito, makatatanggap din ng iPhone 17 Pro Max ang mga gold medalist, habang iPhone 17 naman ang igagawad sa mga silver at bronze medalist mula sa SportsPlus, ang opisyal na gaming partner ng POC.
Nakamit ng Team Philippines ang pitong gintong medalya, pitong pilak, at 10 tanso, at nagtapos sa ika-12 puwesto mula sa 45 bansang lumahok sa paligsahang ginanap mula Oktubre 22 hanggang 31.
Kabilang sa mga nagwagi ng ginto sina Isabella Joseline Butler (jiujitsu), Kram Airam Carpio (pencak silat), Charlie Ratcliff (Modern MMA), Pi Durden Wangkay (athletics), Lyre Anie Ngina at Zeth Gabriel Bueno (muay), at ang tambalan nina Jan Brix Ramiscal at Tyron Jamborillo (muay mixed team).
Nakakuha naman ng pilak sina Naomi Cesar, Travis Ratcliff, Kristen Ambriel Aguila, Ramiscal, Jasmine Dagame, Jamesray Mishael Ajido, at Jhodie Peralta; habang kabilang sa mga nakasungkit ng tanso sina Peralta, Leo Mhar Lobrido, Jay-r Colonia, Princess Jay Ann Diaz, Alexsandra Ann Diaz, Crystal Carino, Nicole Tabucol, Iyeshia Blair Bituin, Mara Alexandria Sarinas, Aeden Roffer Cereno, at Alexander Tagure Jr.
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1262418