Patuloy ang pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa mga naapektuhan ng Bagyong Opong, sa pamamagitan ng pamamahagi ng relief goods sa limang barangay ng bayan ng Bulalacao noong Oktubre 11, 2025.

Sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Bulalacao at ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nabigyan ng ayuda ang kabuuang 1,430 residente mula sa mga barangay na Milagrosa (370), Maujao (100), Cabugao (400), Cambunang (360), at San Juan (200).

Ayon kay PDRRM Officer Vinscent Gahol, mahalaga ang patuloy na pagtaas ng kamalayan ng mga mamamayan sa kahandaan sa panahon ng kalamidad. Aniya, “Ang kahandaan ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan, kundi ng bawat isa. Nagsisimula ito sa kaalaman at aktibong pakikilahok sa mga programa ukol sa disaster preparedness.”

Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat ang mga opisyal ng bawat barangay sa mabilis na pagtugon at walang sawang suporta ng pamahalaang panlalawigan. Anila, malaking tulong ang nasabing mga relief goods para sa kanilang mga nasasakupan na hanggang ngayon ay patuloy na bumabangon mula sa pinsalang dulot ng bagyo.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng lalawigan na tiyakin ang kaligtasan, kaginhawaan, at muling pagbangon ng bawat Mindoreño sa harap ng sakuna.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *