SANTA CRUZ, Laguna — Nangako ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tatapusin ang mga matagal nang naantalang proyektong pangkalusugan sa lalawigan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isinagawang inspeksyon nina DPWH Secretary Vince Dizon at Governor Sol Aragones, tinukoy ang kakulangan sa pondo at mga isyung estruktural sa Laguna Medical Center at Luisiana District Hospital. Agad namang tiniyak ng DPWH ang paglalaan ng pondo upang maipagpatuloy at makumpleto ang mga proyekto.
Target na pondohan at simulan ang rehabilitasyon sa 2027, na may inisyal na P150 milyon, at ganap na matapos pagsapit ng 2028.
Bukod dito, tinalakay rin ang iba pang proyektong imprastraktura tulad ng mga diversion road at pagpapalawak ng mga kalsada upang mapabuti ang daloy ng trapiko at ekonomiya sa lalawigan.
Nagpasalamat naman ang pamahalaang panlalawigan sa agarang tugon ng pambansang pamahalaan para sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa Laguna.
Source: PIA CALABARZON