Bilang tugon sa malungkot na insidente ng pagkalunod sa Oas, Albay, agad na kumilos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region upang maghatid ng tulong sa naulilang pamilya.

Ang insidente ay naganap noong Linggo, Agosto 31, 2025, bandang 3:55 ng hapon habang naliligo sa isang irigasyong dam sa Barangay Ilaor Norte ang dalawang magkapatid na biktima kasama ang kanilang mga kaibigan.

Habang naliligo, ang magkapatid na may edad 16 at 18 ay tinangay sila ng malakas na agos ng tubig.
Bandang 5:35 ng hapon, natagpuan ng mga awtoridad ang 18-anyos na biktima sa may pampang ng ilog at agad na isinugod sa ospital, subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Samantala, natagpuan ngayong Setyembre 2, 2025 ang bangkay ng nakababatang kapatid na 16-anyos sa parehong ilog.

Bilang tugon, sa pangunguna ni Regional Director Norman S. Laurio, agad na ipinadala ng DSWD Bicol ang SWAD Albay upang magsagawa ng home visit at maghatid ng kinakailangang tulong sa pamilya.

Noong Setyembre 1–2, 2025, nagsagawa ng psychosocial intervention ang isang social worker para sa mga magulang ng mga biktima upang matulungan silang harapin ang matinding kalungkutan at emosyonal na paghihirap dulot ng trahedya.

Bukod dito, nagbigay ang ahensya ng Php20,000 bilang funeral assistance sa ilalim ng programang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) upang matulungan sa gastusin sa libing.

Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa direktiba ni Secretary Rex Gatchalian na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyaking mabilis at may malasakit ang paghahatid ng tulong sa mga pamilyang dumaranas ng krisis at emerhensiya.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *