Nakiisa ngayong araw, Agosto 31, 2025, ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Quezon sa paggunita ng ika-147 na kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon, kilala bilang “Ama ng Wikang Pambansa,” sa Perez Park, Lucena City kung saan matatagpuan ang kanyang monumento na sumisimbolo sa kanyang malaking ambag sa kasaysayan ng bansa.

Bilang pangunahing bahagi ng programa, pinangunahan ni Gobernadora Angeline “Helen” Tan ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng yumaong pangulo. Kasabay nito, ipinakilala rin si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Catibayan Remulla bilang panauhing pandangal na nagbigay ng makabuluhang mensahe tungkol sa kabayanihan at walang hanggang pamana ni Pangulong Quezon.

Dumalo sa nasabing pagdiriwang sina PENRO Conservation and Development Section Head Gng. Salud M. Pangan at Administrative Officer Bb. Jasmin M. Baronia. Nakiisa rin sina CENRO Calauag Officer Joselito D. Barros at CENRO Tayabas Officer Ramil J. Gutierrez kasama ang iba pang kawani ng kanilang mga tanggapan.

Sama-sama nilang inialay ang mga bulaklak bilang simbolo ng kanilang paggalang at pagkilala sa kontribusyon ng dating pangulo. Itinampok sa pagdiriwang na ang pakikibahagi ng PENRO Quezon ay hindi lamang pagpapakita ng kanilang tungkulin sa pangangalaga ng kalikasan, kundi pati na rin sa pagpapanatili at pagpapahalaga sa kultura at kasaysayan ng lalawigan at bansa.

Ang taunang pagdiriwang ng Quezon Day ay nagsisilbing paalala ng diwa ng nasyonalismo, pagkakaisa, at paglilingkod sa bayan na iniwan ni Pangulong Quezon. Sa pamamagitan ng pakikiisa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng PENRO Quezon, patuloy na ipinapamana sa mga susunod na henerasyon ang kanyang dakilang adhikain para sa bansang Pilipinas.

Source: DENR 4A Calabarzon FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *