Bilang bahagi ng patuloy na pag-agapay at upang matulungang makabangon muli ang isang pamilya sa Brgy. Mandali, Mobo, Masbate na nawalan ng tirahan dahil sa sunog noong Mayo 26, 2025, nagbigay ng tulong-pinansiyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V-Bicol Region nito lamang Agosto 28, 2025.

Dahil sa gawa sa kahoy ang naturang bahay, mabilis itong natupok dahilan upang walang naisalba ang pamilya.

Sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang pamilya sa ginawang pansamantalang tirahan na gawa sa mga pinagtagpi-tagping kahoy at yero.

Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program, nabigyan ng Php10,000 na tulong-pinansiyal ang pamilya.

Ito ay karagdagang suporta upang matulungan ang nasunugang pamilya na mapunan ang kanilang pangunahing mga pangangailangan.

Nagbigay din ng psychosocial intervention ang social worker ng Crisis Intervention, bilang emosyonal na suporta habang patuloy itong bumabangon sa unos na dala ng pangyayari.

Matatandaang noong Mayo 29 taong kasalukuyan, ay agad na nakapag-abot ng relief supplies ang ahensya sa ilalim ng Disaster Response Management Division (DRMD).

Kabilang sa mga naibigay ay family food packs (FFPs) at Non-Food Items (NFIs) kagaya ng kitchen kit, family fit, hygiene kit, sleeping kit, at laminated sacks na nagkakahalaga ng Php7,996.90.

Ayon sa 37 taong gulang na maybahay na si Marivic A. Bolon, malaking tulong ang natanggap nilang suporta mula sa ahensya upang matugunan ang kanilangang pangangailangan habang patuloy na bumabangon mula sa sakuna.

Ang tugon na ito ng DSWD Bicol, sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio ay bahagi ng patuloy na pagsunod sa direktiba ni Secretary Rex Gatchalian base sa utos ni Pangulong Fedinand Marcos Jr. na masiguro ang mabilis at may malasakit na paghahatid ng serbisyo sa mga pamilyang apektado ng sakuna, at kalamidad.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *