Muling nagliwanag ang bayan ng Pagbilao sa pagdiriwang ng 295th Araw ng Pagbilao at Papag at Bilao Festival 2025 na ginaganap mula Agosto 23 hanggang Agosto 30, 2025.
Ang isang linggong selebrasyon ay itinatampok bilang pagpaparangal sa mayamang kultura at kasaysayan ng bayan, kasabay ng pagpapakita ng talento at malikhaing galing ng mga Pagbilaoan.

Sa iba’t ibang patimpalak at aktibidad gaya ng papag making, bilao painting, digital art at essay writing contests, muling binibigyang-buhay ang sining at tradisyon ng komunidad.
Bukod sa mga paligsahan, aasahan din ang makukulay na pagtatanghal, parada, at eksibisyon na maghahatid ng sigla sa bawat kalsada ng bayan.
Pinakaaabangan ang Streetdancing Showdown kung saan magsasanib ang ritmo, kulay, at tradisyon, isang tampok na kaganapan na inaasahang magbibigay saya hindi lamang sa mga residente kundi pati sa mga bisita.

Ang engrandeng pagtatapos ng pagdiriwang ay magaganap sa Agosto 29 sa pamamagitan ng Thanksgiving Mass, Parade ng Lahi, Natatanging Karosa, Lakambini ng Pestibal, at Streetdancing Showdown Competition.
Susundan naman ito ng People’s Night sa Agosto 30, na magsisilbing hudyat ng masayang pamamaalam at bagong pag-asa para sa mga darating na taon ng selebrasyon.
Higit pa sa isang pista, ang Papag at Bilao Festival 2025 ay isang makabuluhang pagbabalik-tanaw at pagbubuklod ng mga Pagbilaoan, isang patunay ng kanilang pagmamahal sa bayan, kultura, at pamana.
Source: Tara na sa Lalawigan ng Quezon FB Page