Ipinagdiwang ng Pamahalaang Bayan ng Calatrava ang isang makasaysayang hakbang tungo sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng Blessing and Ribbon Cutting para sa bagong tayong Super Health Center sa Barangay San Roque, Calatrava, Romblon noong Agosto 26, 2025.
Pinangunahan ang pagbabasbas ng pasilidad ni Rev. Fr. Woody Tandog, na nagbigay ng panalangin para sa ligtas at epektibong operasyon ng pasilidad. Dinaluhan ang seremonya ng mga kagalang-galang na lider ng bayan sa pangunguna ni Punong Bayan Hon. Robert M. Fabella, kasama sina Dr. Jennie F. Matta, MD, Municipal Health Officer; Pangalawang Punong Bayan Hon. Elizer F. Fiedacan; Ginoong Jomil O. Fillartos, kinatawan mula sa DOH; Ginoong Leandro Flores, Chief Officer ng LIO PhilHealth; at Dr. Richard Winston Palasi, DMO V.
Nakiisa rin sa okasyon ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga Punong Barangay, mga Hepe ng Kagawaran, mga kawani ng kalusugan, at iba pang panauhin, na nagpakita ng matibay na suporta ng buong pamayanan para sa proyekto.
Ang pagbubukas ng Super Health Center ay patunay ng patuloy na pagtutok ng pamahalaan sa pagbibigay ng abot-kaya, dekalidad, at maaasahang serbisyong medikalsa mga mamamayan ng Calatrava. Layunin nitong maabot maging ang pinakamalalayong bahagi ng bayan upang makapaghatid ng mabilis at sapat na serbisyong pangkalusugan.
Ang makabuluhang okasyong ito ay hindi lamang pagpapasinaya ng isang pasilidad, kundi simbolo rin ng pagkakaisa at sama-samang hangarin ng komunidad para sa isang mas malusog na kinabukasan. Sa tuloy-tuloy na pagtutulungan at pamumuno, ang Super Health Center ay inaasahang magiging ilaw ng pag-asa at kalusugan para sa mga susunod na henerasyon.
Source: Calatrava Romblon