Matagumpay na naisagawa ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Regional Office ang inspeksyon ng LGU warehouse na matatagpuan sa Sitio Litsud, Barangay Corong-Corong, El Nido, Palawan nito lamang Agosto 19, 2025.
Ang aktibidad ay isinagawa katuwang ang mga Regional Personnel at Social Welfare and Development Team (SWADT) Personnel upang masiguro ang kahandaan at kaligtasan ng pasilidad bilang bahagi ng mas pinatibay na disaster preparedness at response ng rehiyon.
Layunin ng inspeksyong ito na tiyakin ang maayos na kondisyon ng pasilidad, ang seguridad ng mga nakaimbak na relief goods, at ang kahandaan ng warehouse sa oras ng sakuna o emerhensiya. Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na inisyatibo ng tanggapan upang mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga kalamidad.
Ayon sa pahayag ng DRRM Regional Office, “Salamat sa lahat ng nakibahagi at patuloy na naglilingkod para sa kaligtasan at kapakanan ng ating komunidad.” Dagdag pa nila, “Ang pagkakaisa at sama-samang pagtutulungan ay susi sa isang ligtas at matatag na Palawan.”
Patuloy ang DRRM Regional Office sa kanilang adbokasiya na mapanatili ang kaligtasan ng bawat mamamayan at maisakatuparan ang maagap at epektibong disaster response sa buong rehiyon.
Source: MSWDO – El Nido Palawan