Patuloy ang pagbuhos ng mga motorista sa Lagoon Circle, Brgy. Capaclan ngayong linggo habang isinasagawa ang Motor Vehicle Registration Caravan ng Land Transportation Office (LTO) Romblon District Office nito lamang ika-12 ng Agosto 2025. Layunin ng caravan na mailapit ang mga pangunahing serbisyo ng ahensya sa mga residente ng lalawigan, lalo na sa mga nasa liblib na lugar.

Kabilang sa mga serbisyong hatid ng caravan ay ang renewal ng rehistro ng sasakyan, change of body o pagbabago sa body type, at change class para sa pagbabago ng uri ng rehistradong sasakyan. Nagkaroon din ng pamamahagi ng mga plaka para sa mga saklaw ng 2014–2017 year series, gayundin para sa mga may bagong plaka mula 2023.

Pinangungunahan ang aktibidad ni Jocelyn D. Rillo, Supervising Transportation Regulation Officer, na iginiit ang kahalagahan ng pagdadala ng serbisyo sa mismong komunidad upang maging mabilis at maginhawa ang proseso para sa mga motorista. Malaking tulong ito lalo na sa mga hindi madaling makapunta sa tanggapan ng LTO dahil sa distansya o kakulangan sa transportasyon.

Ayon sa paalala ng LTO, ang pamamahagi ng mga plaka ay itinakda hanggang August 12 lamang. Kaya’t pinapayuhan ang mga kuwalipikadong motorista na agad na dumalo sa itinakdang distribution area upang makuha ang kanilang plaka sa tamang oras.

Magpapatuloy ang Motor Vehicle Registration Caravan hanggang August 15. Hinikayat ng LTO Romblon ang lahat ng vehicle owners sa lalawigan na samantalahin ang serbisyong ito upang maisaayos ang kanilang mga dokumento at matiyak ang legal na paggamit ng kanilang mga sasakyan sa kalsada.

Source: Romblon Provincial Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *