Agad na tumugon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa umiiral na krisis sa pagkain at krudo sa Sibale Island, Concepcion matapos ideklara ang State of Calamity bunsod ng matinding kakulangan sa suplay ng mga pangunahing pangangailangan sa isla. Ang pagtugon ay isinagawa noong Hulyo 31, 2025.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Joseph Menorca, mabilis na ipinag-utos ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang pagpapadala ng agarang ayuda sa mga apektadong pamilya sa isla.

Dumating sa Sibale Island ang ayuda mula sa Pamahalaang Panlalawigan na kinabibilangan ng 1,500 kilo ng bigas at mga canned goods. Layon nitong maibsan ang epekto ng food crisis sa mga residente habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya para sa pangmatagalang solusyon.
Matatandaang nito lamang linggo ay pormal nang nagdeklara ng State of Calamity ang lokal na pamahalaan ng Concepcion, kaugnay ng patuloy na kakulangan sa suplay ng bigas at iba pang pangunahing bilihin.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Provincial Government of Romblon (PGR) at PDRRMO sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng suporta sa mga apektadong Sibalenhon.
Source: Romblon Provincial Information Office