Patuloy ang pagkalinga ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga mamamayan nitong apektado ng kalamidad, sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa pakikipagtulungan ng mga lokal na ahensya.

Noong ika-1 ng Agosto 2025, muling namahagi ng food packs ang Kapitolyo ng Batangas sa kabuuang 2,959 na mangingisda mula sa 16 na coastal barangays ng Bayan ng San Juan. Ang mga benepisyaryo ay kabilang sa mga naapektuhan ng Habagat na lalo pang pinalakas ng magkakasunod na bagyo noong huling bahagi ng Hulyo.

Ang aktibidad ay isinagawa sa pamamagitan ng masinsinang koordinasyon ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Office of the Provincial Agriculturist, at Office of the Provincial Governor, kasama ang pamunuan ng lokal na pamahalaan ng San Juan.

Bilang kinatawan ni Gobernadora Vilma Santos-Recto, pinangunahan ni Provincial Administrator Atty. Joel Montealto ang pamamahagi ng tulong, kasama si PSWDO Head Ethel Luistro. Sa harap ng mga kapitan ng barangay, kanilang ipinaabot ang mensahe ng suporta at malasakit mula sa pamahalaan.

Ang mga punong barangay naman ang naatasang mag-abot ng mga food packs sa kani-kanilang nasasakupang komunidad.

Ayon sa Kapitolyo, magpapatuloy ang ganitong aktibidad sa mga susunod na araw at buwan upang masiguro na lahat ng apektadong bayan sa lalawigan ay mabibigyan ng kinakailangang tulong.

Ang patuloy na pagbibigay ng ayuda ay patunay ng pagtutok ng Kapitolyo sa kapakanan ng bawat Batangueño sa panahon ng sakuna.

Source: Batangas PIO FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *