Nagsagawa ng isang emergency meeting ngayong umaga, Hulyo 28, 2025, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) upang talakayin ang matinding epekto ng sunud-sunod na pananalasa ng Bagyong Dante at Emong sa bayan ng Puerto Galera.

Isa sa mga pangunahing usapin ay ang iniulat na pinsala sa mga pangunahing pasilidad, kabilang na ang pagkasira ng mga linya ng tubig na naging sanhi ng kakulangan sa suplay para sa mga residente. Bukod dito, nagdulot din ng pangamba ang pagguho at pagkabitak ng lupa sa Sitio Bigaan, Barangay Balatero, na patuloy na mino-monitor dahil sa banta nito sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng magkakasunod na bagyo, pormal nang nagdeklara ng State of Calamity ang Lalawigan ng Oriental Mindoro. Layon ng deklarasyong ito na mapabilis ang paglalaan ng pondo para sa agarang pagtugon, rehabilitasyon, at iba pang kinakailangang aksyon upang tulungan ang mga apektadong komunidad.

Nagpahayag ng paniniguro si Mayor Robinhood D. Ylagan at Vice Mayor Rocky D. Ilagan na walang tigil ang pagtatrabaho ng lokal na pamahalaan upang agad masolusyonan ang mga kinakaharap na problema. Anila, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga kaukulang ahensya upang makapaghatid ng karampatang tulong at serbisyo sa mga nangangailangan.

Patuloy naman ang panawagan ng MDRRMC sa publiko na manatiling alerto at makinig sa mga abiso mula sa pamahalaan habang isinasagawa ang mga hakbang para sa kaligtasan at mabilis na pagbangon ng bayan mula sa kalamidad.

Source: PIO Puerto Galera

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *