Pormal nang idineklara sa ilalim ng state of calamity ang bayan ng Sablayan sa bisa ng resolusyon ng Sangguniang Bayan noong Hulyo 24, 2025, matapos ang walang tigil na pag-ulan at matinding pagbaha na tumama sa iba’t ibang barangay ng bayan. Ang pagbaha ay dulot ng magkasunod na pananalasa ng mga bagyong Dante at Emong, na nagdulot ng malawakang pinsala sa kabuhayan at ari-arian ng mga residente.

Sa gitna ng sakuna, nanguna si Mayor Bong Marquez sa rescue at relief operations, partikular sa matinding naapektuhang Barangay Ilvita. Sa tulong ng mga kawani mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Office of the Municipal Engineer, opisina ni Congressman Odie Tarriela, opisyal ng barangay, at mga boluntaryo, sama-samang isinagawa ang mabilisang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nasalanta.

Dahil sa lalim ng baha at hirap sa pag-access sa Barangay Ilvita, kinakailangang gumamit ng iba’t ibang transportasyon tulad ng traktora, bangka, at mga specialized na sasakyan upang marating ang lugar at maihatid ang tulong. Gayunpaman, hindi ito naging balakid sa dedikasyon ng mga awtoridad na agad na maiparating ang pagkain, tubig, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga evacuees.

Ayon kay Mayor Marquez, ang deklarasyon ng state of calamity ay magsisilbing hakbang upang mapabilis ang paglalabas ng pondo para sa agarang tulong, rehabilitasyon, at pagbabalik ng normal na pamumuhay sa mga naapektuhan.

Patuloy ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga volunteer group sa paghahatid ng serbisyo at suporta sa bawat apektadong mamamayan. Sa kabila ng unos, umiiral ang diwa ng bayanihan at malasakit sa Sablayan—isang patunay ng tibay at pagkakaisa ng komunidad sa harap ng kalamidad.

Source: Mayor Walter ‘Bong’ B. Marquez

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *