Bilang pakikiisa sa paggunita ng National Disaster Resiliency Month (NDRM) ngayong Hulyo 2025, pinangunahan ng Department of Agriculture – MIMAROPA, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office (PAO), ang isang makabuluhang selebrasyon noong Hulyo 14, 2025.

Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng mga kinatawan mula sa DA-MIMAROPA, Agricultural Program Coordinating Office (APCO), mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Governor Mel Go, mga extension workers ng PAO, at mga miyembro ng samahan ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Marinduque.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ay ang orientation on climate-resilient farming at mga information campaign na tumalakay sa kahalagahan ng disaster preparedness, risk reduction, at climate adaptation. Sa nasabing programa, namahagi rin ng mga farm inputs gaya ng binhi, abono, at mga battery-operated sprayer upang mas mapalakas ang produksyon at kahandaan ng mga magsasaka sa lalawigan.

Ayon kay Ms. Susan Uy, Officer-in-Charge ng Provincial Agriculture Office, “Hindi natin maiiwasan ang mga sakuna, ngunit maaari tayong maging handa at matatag kung tayo ay nagkakaisa at may sapat na kaalaman.” Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng lokal na pamahalaan at mga stakeholders sa pagpapaigting ng food security sa gitna ng mga natural na hamon.

Ang selebrasyon ay alinsunod sa Executive Order No. 29, s. 2017, na nagtatakda sa buwan ng Hulyo bilang National Disaster Resiliency Month upang palaganapin ang kamalayan at kahandaan ng mga Pilipino sa mga banta ng kalamidad at epekto ng climate change.

Source: Marinduque Provincial Agriculture Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *