Ipinagkaloob ang insentibo para sa mga barangay mula sa bayan ng Abra de Ilog na matagumpay na nakapasa sa 2023 Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLGB) na ginanap sa Kapitolyo ng Lalawigan sa Mamburao ngayong araw, Hulyo 14, 2025.

Ang aktibidad ay pinangunahan ni Governor Eduardo “Ed” Gadiano at sinaksihan ng mga kinatawan ng DILG-Occidental Mindoro, sa pangunguna nina LGOO VII Myla B. Panganiban, CESE, at LGOO V Maureen Abegail O. Magnaye, bilang patunay ng suporta ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na lider na may tunay na malasakit at dedikasyon.

Ang programang SGLGB ay layuning itaguyod at kilalanin ang mga barangay sa buong bansa na nagpapamalas ng matino, mahusay, at responsableng pamumuno. Isa sa mga kinilalang barangay ay ang Barangay Cabacao, na itinanghal bilang SGLGB National Passer at tumanggap ng Php1,000,000.00 bilang insentibo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro, sa pakikipagtulungan ng Municipal and Barangay Affairs Office.

Personal na tinanggap ng mga opisyal ng Barangay Cabacao ang tseke, na inilaan para sa pagbili ng mga rescue vehicles na layong palakasin ang kakayahan ng barangay sa pagtugon sa mga sakuna at emergency. Ayon sa mga opisyal, ang insentibong ito ay malaking tulong upang mapalawig pa ang kanilang serbisyong may malasakit at kahandaan para sa mamamayan.

Lubos ang pasasalamat ng mga lider at mamamayan ng Barangay Cabacao kay Governor Ed Gadiano sa patuloy nitong pagkalinga at pagtitiwala sa mga barangay bilang katuwang sa pagpapatupad ng tunay na pagbabago. Ayon sa kanila, ang pagkilalang ito ay nagsisilbing inspirasyon upang higit pang pag-ibayuhin ang kanilang serbisyo sa komunidad.

Source: MBAO Occidental Mindoro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *