Upang pormal na simulan ang taunang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month, pinangunahan ng Office of Civil Defense CALABARZON, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang Resilience Month Kick-Off Parade/Motorcade noong Hulyo 1, 2025 sa Santa Cruz, Laguna.

Ito ay hudyat ng pagsisimula ng isang buwang aktibidad na naglalayong palaganapin ang kahalagahan ng kahandaan at katatagan sa harap ng sakuna.

Lumahok sa nasabing parada ang mga tauhan ng OCD CALABARZON, Incident Management Team at Emergency Response Team ng Laguna PDRRMO, gayundin ang mga kasapi ng Philippine Red Cross Laguna Chapter.

Ang motorcade ay umikot sa mga piling ruta sa mga bayan ng Santa Cruz at Pila, Laguna, na may layuning hikayatin ang mamamayan na makiisa sa adbokasiya ng kahandaan sa sakuna.

Ang tema ngayong taon na “Kumikilos para sa Kahandaan, Kaligtasan, at Katatagan” ay nagbibigay-diin sa patuloy at sama-samang pagkilos ng bawat Pilipino tungo sa pagiging handa, ligtas, at matatag sa gitna ng banta ng kalamidad.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, magsasagawa ang OCD CALABARZON katuwang ang iba’t ibang ahensyang panrehiyon, mga lokal na tanggapan ng DRRM, at mga katuwang mula sa iba’t ibang sektor ng mga sumusunod na aktibidad, rescuelympics, DRRM summit para sa mga volunteers, at iba pang culminating activities.

Layon ng mga ito na lalo pang paigtingin ang kaalaman, kahandaan, at koordinasyon ng bawat isa sa pagtugon sa mga hamon ng kalikasan at sakuna.

Sa pamamagitan ng mga aktibidad ngayong buwan, muling pinapatunayan ng CALABARZON ang pagkakaisa at dedikasyon nitong isulong ang isang ligtas at matatag na pamayanan para sa lahat.

Source: Civil Defense CALABARZON FB PAGE

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *