Nakatanggap ng fertilizer discount voucher (FDV) sa pamamagitan ng Rice Program ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ang mga magsasaka mula sa Puerto Princesa City at mga bayan ng Brooke’s Point, Quezon, Aborlan, Sofronio Española, Narra at Bataraza, Palawan nito lamang ika-24 ng Pebrero 2025.
Umabot sa 12,296 na magsasaka ang naging benepisyaryo at nabigyan ng FDV na ipinagkaloob katuwang ang mga Municipal Agriculture Offices (MAOs) ng mga nabanggit na bayan. Ang ipinamahaging fertilizer subsidy para sa lalawigan ay may kabuuang Php60,486,206.40.
Ang bawat voucher ay nagkakahalaga ng Php3,400 kada ektarya na pwedeng ipambili ng mga benepisyaryo ng abono mula sa mga accredited merchant’s ng DA. Samantala, nagpasalamat naman ang mga magsasakang nakatanggap ng sabsidiya dahil sa anila’y malaking tulong sa kanilang hanapbuhay.
Layunin ng Rice Program na matulungan ang mga magsasaka sa pagpapabuti ng kanilang ani at mapalakas ang produksyon ng palay. Patuloy umano ang pagsisikap ng DA upang maabot ang mas marami pang benepisyaryo at mapalakas ang sektor ng agrikultura sa Palawan at buong rehiyon.
Source: DA RFO Mimaropa